Photo by PNP-PRO2

CAMP MARCELO ADDURU, Tuguegarao City – Kalaboso ang bagsak ng dating Brgy Kagawad at dalawa nitong kasama matapos masabat ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php6,800.00 sa isinagawang drug buy bust operation sa Purok Liwayway, San Pedro, Mallig, Isabela kamakalawa.

Kinilala ng mga otoridad ang mga suspek na sina alyas “July”, 45 taong gulang, dating Brgy Kagawad, alyas “Jet”, 21 taong gulang, estudyante at alyas “Jerome”, 45 taong gulang at magsasaka. Ang tatlong tulak ng droga ay kabilang sa mga High Value Target at residente ng Centro II, Mallig, Isabela.

Nakumpiska rin sa kanilang pangangalaga ang isang brick ng hinihinalang dahon ng Marijuana na may tinatayang timbang na mahigit kumulang isang kilo at nagkakahalaga ng Php120,000.00.

Ang mga suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya ng Mallig Police Station. Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Section 11 at 15 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Hindi titigil ang Valley Cops na sugpuin ang paglaganap ng ilegal na droga sa Rehiyon, kung kaya’t hinihikayat ko ang lahat na isumbong ang sinumang nasasaksihan na sangkot sa ilegal na droga. Ang pakikipagtulungan ng mamamayan sa kapulisan ang susi sa pagkamit ng ligtas at maayos na Lambak ng Cagayan,” saad ni Police Brig. Gen. Christopher Birung, regional director ng PNP-Region 2. (PNP-PRO2 press release)