Photo by PNP-PRO2

CAMP MARCELO ADDURU, Tuguegarao City- Isa na namang personalidad na kabilang sa High Value Target ang natimbog ng kapulisan sa Brgy. Santa, Tumauini, Isabela kamakalawa.

Kinilala ang suspek na si alyas “Bambi”, 41 taong gulang at residente ng Brgy. Fugu Abajo, Tumauini, Isabela. Naaresto si Bambi matapos nitong magbenta ng anim na na sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa poseur buyer.

Nakumpiska rin sa kanyang pangangalaga ang pitong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na tatlong gramo at nagkakahalaga ng Php20,400.00 at perang ginamit bilang buy bust money.

Si Bambi at ang mga nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya ngayon ng Tumauini Police Station para sa dokyumentasyon at tamang disposisyon. Nahaharap si Bambi sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Hindi titigil ang kapulisan ng Police Regional Office 2 na tuldukan ang suliranin sa illegal na droga. Huwag gawing negosyo ang pinagbabawal na gamot dahil ito rin ang dahilan ng pagkawala ng inyong kalayaan,” sambit ni Police Brig. Gen Christopher Birung, regional director ng PNP-Region 2. (PNP-PRO2 press release)