CAMP MELCHOR F. DELA CRUZ, UPI GAMU, Isabela- Muling pinatunayan ng 5th Infantry Division (5ID) na hindi lang buhay, kaligtasan, at kalayaan ang kanilang pinapahalagahan kungdi maging ang kultura at mataas na respeto sa pagkakaiba ng tradisyon at kaugalian.
Ito ay matapos pasinayaan ang Ifugao Hut sa Indigenous Village sa loob mismo ng Camp Melchor Dela Cruz noong Abril 4, 2024. Sa pagsisikap ng 5th Installation Management Battalion (5IMB) sa panunguna ng kanilang Commanding Officer na si LtCol Rhea Valera ay napatunayan sa inauguration na may pagkakaisa sa pagkakaiba ng kultura, paniniwala at tradisyon. Personal itong dinaluhan ng mismong Commander ng Installation Management Command, Philippine Army na si BGen Domingo Gobway na tubong Ifugao. Dumalo din si BGen Santiago Enginco, Assistant Division Commander ng 5ID. Nakiisa at tinunghayan din si Colonel Narciso Nabulneg Jr., Chief of Staff ng 5ID, kasama ang iba pang mga opisyal ng 5ID. Hindi rin pinalagpas ng mga pinuno ng LGU Ifugao ang mahalagang pagkakataon na ito. Sinaksihan ito ni Ifugao Vice Governor Glenn Prudenciano kasama ang mga Board Members ng dalawang distrito ng kanilang lalawigan.
Labis ang pasasalamat at hindi maitago ang kasiyahan ng mga opisyal ng Lokal na Pamahalaan ng Ifugao sa oportunidad na maipagmalaki ang kanilang kultura sa loob ng 5ID.
Naniniwala ang 5ID na ng tradisyonal na bahay ng mga Ifugao ay simbolo ng katutubong pamana ng kultura at ang mga katutubong kasanayan.
May pangangailangan na magtatag at suportahan ang pakikipagtulungan sa mga partner stakeholders at alagaan at mapanatili ang maayos na relasyon ng mga tao mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay. Ang mga maayos na ugnayan at pangmatagalang pakikipagtulungan sa pagitan ng kasundaluhan, komunidad at iba pang stakeholders ay mga susi sa pagpapalaganap ng cultural sensitivity na nagpapakita na mataas na respeto sa bawat isa.
Kasabay sa pagpapasinaya ay ang blessing sa Ifugao Hut sa pinangunahan Captain Jonathan Marcos ang Evangelical Chaplain ng 5ID.
Hindi madaling pagsama-samahin ang mga tao mula sa iba’t ibang pinagmulan, ngunit higit pa sa isang struktura ng bahay, ang paglikha ng mga puwang para sa pakikipagtulungan at pagpreserba sa mga yaman ng kultura ay napakahalaga lalo na sa pagpapakita ng pagkakaisa at respeto para matiyak ang matatag na komunidad.#
Photo Courtesy of 5th Infantry “Star” Division, Philippine Army