Kumilos umano si Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel `Babe’ Romualdez para sa economic team ng gobyerno ng Pilipinas upang i-lobby ang Maharlika Investment Fund (MIF) sa Amerika. Ayon sa isang source mula sa communications consultancy firm Weber Shandwick Philippines (WSP), Disyembre 2022 pa lamang ay nagsimula na umanong mag-lobby si Romualdez, na pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Noong Enero 2023 umano ginawa ng WSP ang PR plan “Project Prosperity” upang pabanguhin ang MIF laban sa mga negatibong opinyon sa nasabing panukala. Nagtagal umano ng anim na buwan ang PR project na nakatutok sa Amerika at iba pang foreign market. Napag-alaman na si Romualdez umano ay dating naging WSP chairman at chief executive officer sa loob ng mahabang panahon kung kaya’t nagkaroon ito ng malalim na network sa loob ng WSP. Kaugnay nito, pinuna ng mga kritiko ang ginawa ni Romualdez na paglabag umano sa Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees. Bilang isang ambassador umano ay sinira ni Romualdez ang prinsipyo ng “public office is being a public trust”. Maaari umanong mapatawan ng kaukulang parusa si Romualdez dahil sa pagsawsaw nito sa pagsusulong ng MIF.
Tinuran pa ng mga kritiko ang Section 7 ng RA 6713 ang paglabag ni Romualdez bilang isang opisyal ng gobyerno dahil sumawsaw ito sa isyung may kinalaman sa pananalapi. Base sa RA 6713, kabilang sa mga ipinagbabawal na gawain ng mga opisyal ng gobyerno ay ang pagsangkot sa mga transaksyong pinansyal. Kinuwestyon pa ng mga kritiko kung bakit pumapel si Romualdez sa MIF samantalang isa siyang ambassador ng bansa sa Amerika at dati pang nanungkulan sa PR firm na humawak sa pagsusulong ng panukalang MIF.
Inaalam pa ang panig ni Romualdez na wala pang pahayag sa mga paratang sa kanya.#