Courtesy: PNP-Jones, Isabela

Natimbog sa ipinapatupad na election gun ban ang tatlong security guards matapos na makitaan ng dalawang baril sa COMELEC checkpoint sa Brgy. 1, Jones, Isabela noong Enero 12.

Dahil sa data privacy, hindi ipinabatid ang pangalan ng mga nadakip na nasa edad 45-anyos na residente ng Gumbauan, Echague, Isabela; 30-anyos na residente ng Pinaripad Sur, Aglipay, Quirino at isang 37-anyos na residente naman ng Lannig, Solana, Cagayan.

Hinihintay ng PNP Jones ang ilang kaukulang dokumento mula sa COMELEC para sa pormal na pagsasampa ng kaso na regular filing na lamang sa paglabag sa Omnibus Election Code o Election gun ban.

Pansamantalang pinalaya ang mga nadakip at sila’y aarestuhin muli kapag lumabas na ang kanilang warrant of arrest.

Una rito, pasado alas 10:00 ng umaga nitong Linggo, Enero 12, 2025, habang nagsasagawa ng checkpoint ang mga kasapi ng PNP Jones at Comelec ay ang isang Toyota Hilux na may plakang AAH 8643 ang kanilang pinahinto.

Agad na sinuri ang loob ng sasakyan at dito na nakita ang dalawang 12-gauge shotguns dahilan para hanapan ito ng kaukulang dokumento.

Mayroon namang kaukulang permit ang mga nasabing baril subalit walang maipakitang gun ban exemption o certificate of authority mula sa Comelec.

Nasa kustodiya ng PNP Jones ang dalawang nakumpiskang baril.#