By LNC Team
TUGUEGARAO CITY-Nahaharap sa kasong murder si Gattaran Vice Mayor Matthew Nolasco at tatlong iba pa kaugnay sa pagpatay sa isang negosyante nitong nakalipas na Disyembre ng nakaraang taon.
Sa impormasyong inilabas ng Tanggapan ni Cagayan Provincial Prosecutor Ronnel Nicolas, inaakusahan sina Vice Mayor Matthew Nolasco, Joles Salvatierra, Jofel Alipio at Mateo De Torres ng kasong pagpatay sa biktimang si Jefferson Torricer, tubong Gattaran subali’t residente ng Penarubia, Abra.
Ang kasong murder na isinampa kina Nolasco ay naitala sa Criminal Case No. II-16391, Docket No. II-02-INV-21L-00518 na inahain ng Panlalawigang Taga-usig sa Regional Trial Court Aparri, Cagayan.
Batay sa inilabas na resolusyon ng Provincial Prosecutors Office, malinaw sa isinagawang imbestigasyon na sina Nolasco at mga kasama nito ang nasa likuran ng pagpatay kay Torricer noong gabi ng Disyembre 05, 2021 sa loob ng Veranda Resto Bar, Brgy. Magapit, Lal-lo, Cagayan.
Batay sa mga testimonya ng mga saksi at sa pagsisiyasat, pinagtulung- tulungan nina Alipio, Salvatierra at De Torres na gupuin si Torricer sa dingding ng resto bar bago ito lapitan ni Nolasco at tutukan ng baril sa baba sabay pinaputok na naging sanhi ng agarang kamatayan ng biktima.
Walang inirekomendang piyansa ang Tanggapan ng Provincial Prosecutor para sana sa pansamantalang kalayaan ng nga akusado.
Si Vice Mayor Nolasco ay kasalukuyang alkalde ng Gattaran noong maganap ang nasabing krimen. Wala pang pahayag ang vice mayor hinggil sa kaso. #