SAN GUILLERMO, Isabela- Masayang ibinalita ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na ipapatupad na ng Department of Social Welfare and Development sa susunod na linggo ang kanyang programang LITAW (Liwanag, Internet, Tubig, Assistance and Welfare) Program.

Ayon sa kanya, ang naisip niyang akda sa ilalim ng  Three-Gives Law ay magbibigay ng tulong at suporta sa mga kababayang apektado ng kalamidad at nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.

Batay  rito, pinapayagan ang mga apektadong kababayan na magbayad ng kanilang mga bayarin sa utility services, tulad ng kuryente, tubig, at internet sa loob ng tatlong buwang installment, lalo na sa panahon ng kalamidad o anumang emergency.

Aniya, madalas na nag-aalala ang mga Pinoy dahil sa suliranin sa mahal na singil sa serbisyo ng kuryente, tubig, at internet, kaya naisulong niya ang naturang batas.

Dagdag ng abogadong senador, kabilang sa mga mabibiyayaan ang mga mahihirap na pamilya at mga kasapi rin ng Pantawid Pamilyang Pilipino program.

“Dapat ay karapatan ito ng mga Pilipino pero maraming pamilyang ang hirap sa pagbabayad sa tubig, internet, at kuryente kaya malaking tulong ito sa kanila,” pahayag niya na pinalakpakan ng mga residente.

Nasa San Guillermo kahapon si Senador Tolentino na kung saan ay namigay siya ng ayudang food packs  sa 600 na mga pamilya at 600 rin na mga benepisyaryo na tig-P2,000 bawat isa sa ilalim ng Assistance in Crisis Situation (AICS) program.#