Ulat ni VINCE JACOB VISAYA, Manila Times News Correspondent/Luzonwide News Correspondent Publishing Editor
CITY OF ILAGAN, Isabela-Nadakip muli ng awtoridad ang isang hinihinalang tulak ng droga makaraang masamsaman ng isang supot ng shabu sa buy-bust operation sa Purok 6, Villa Jesusa Subdivision, Bliss Village kanina (Sept. 14).
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Romeo Cabanos, nasa listahan ng high-value targets na paulit-ulit umanong nadakip at nakasuhan na pero nakakapagpiyansa dahil sa illegal umano na pagbebenta ng droga. Nasamsam ng kapulisan ang isang supot ng shabu at P8,000 buy-bust money, isang libo rito ay orihinal habang ang P7,000 ay boodle money.
Tumangging magsalita ang suspek nang kunan siya ng pahayag. Hindi niya inamin o itinanggi ang paratang na pagbebenta ng shabu.
Inihahanda na ngayon ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2020 o RA 9165 laban kay Cabanos.
Pansamantalang nasa kustodiya ng kapulisan ang suspek matapos siyang maidala sa ospital para sa medikal na pagsusuri.#