Inalis na ang total ban ng paglabas o pagbiyahe sa Cagayan ng live hogs, live hogs for breeding purposes; fresh, frozen, at processed pork products. Ito ay sa bisa ng Executive Order No. 09, Series of 2022 na nilagdaan ni Governor Manuel N. Mamba nitong ika-8 ng Hulyo.
Matatandaan na ang EO No. 33 Series of 2020 ay unang inilabas ni Gov. Mamba na nagbabawal ng paglabas sa lalawigan ng mga live hogs, fresh frozen, at processed pork products sa gitna noon ng banta ng African Swine Fever.
Nakasaad naman sa bagong EO No. 09 na lahat ng baboy, live hogs for breeding purposes; fresh, frozen pork products, at uncooked processed pork products ay maaaring ibiyahe na palabas ng lalawigan.
Ang mga live hogs at para sa breeding purposes ay may mga kaakibat na dokumento sa transportasyon nito tulad ng Animal Welfare Registration Certificate, Veterinary Health Certificate, Transport Carrier Registration, Handler License, ASF negative laboratory test results at Shipping permit mula sa Bureau of Animal Industry (BAI) kung papalabas ito ng Region 02.
Habang ang mga fresh, frozen pork products, uncooked o cooked processed pork products ay may mga dokumento rin na Business Permit, Licence to Operate, Certificate of Product Registration mula sa Food and Drug Administration, Meat Inspection Certificate (MIC), Certificate of Meat Inspection (COMI), Sanitary and Phyto Sanitary (SPS) import clearance mula sa BAI, Meat Transport Vehicle Accreditation at higit sa lahat ay Shipping Permit mula sa BAI lalo na kung papalabas rin ito ng Region 2.
Ang mga naturang papeles ng mga ibibiyaheng baboy at mga karne ay mahigpit naman na susuriin ng Provincial Veterinary Office. Ipinaalam na rin ito sa mga kinauukulan sa pamamagitan ng pamunuan ni Provincial Veterinarian Dr. Noli Buen ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Magugunita rin na inilabas ang EO. No. 25 Series of 2020 para sa total ban ng pagpasok sa Cagayan ng baboy,fresh, frozen pork at processed pork products maliban ang mula sa Ilocos Norte.
Ang EO No. 24 naman ay pagbabawal sa pagpasok ng mga nabanggit na produkto mula sa Region 2 at iba pang probinsya maging sa Ilocos. Habang ang EO No. 13 ay dati rin ipinagbabawal ang pagpasok sa Cagayan ng mga frozen pork products, fresh at live hogs maliban sa mga probinsya na sakop ng Region 2 at Ilocos.
Sa ilalim ng EO No. 06 Series of 2022 ay inalis na rin ang total ban ng pagpasok ng mga kahalintulad na produkto sa Cagayan.
Ang mga inilabas na Executive Orders ay sa layuning maprotektahan sa sakit na ASF ang mga alagang baboy sa Cagayan. Ito ay mula ng nagsimula ang outbreak ng ASF sa bansa noong September 2019 kung saan makalipas ang ilang buwan ay isa ang Cagayan na nagkaroon ng mga kaso ng ASF. #
(CPIO Press Release)