CAMP MARCELO A. ADDURU, TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Arestado ang isang lalaking tinaguriang Top 1 Regional Most Wanted Person na gumahasa sa kanyang nakababatang kapatid sa Cauayan City, Isabela kahapon, July 1, 2024.
Sa isinagawang operasyon ng pulisya, himas rehas si alyas “PJ”, 18 taong gulang at residente ng Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela matapos madakip sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ng Second Judicial Region, Regional Trial Court, Branch 20, Cauayan City.
Batay sa report ng pulisya, unang nangyari ang nasabing pagsasamantala ng suspek sa biktima noong taong 2017 at paulit-ulit pa itong nasundan noong taong 2022 at 2023.
Samantala, walang inirerekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ni alyas “PJ”. Sa kasalukuyan, siya ay nasa kustodiya ng PNP Cauayan City para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.
Sa kabilang dako, pinuri ni PBGEN CHRISTOPHER C BIRUNG, Regional Direktor ang mga miyembro ng kapulisan na nasa likod ng matagumpay na pagkakadakip ng nabanggit na suspek. Kaniya ring hinikayat ang iba pa na mas lalo pang paigtingin ang pagpapatupad ng malawakang kampanya kontra kriminalidad dito sa Rehiyon Dos.
“Ang pagkakadakip ng nasabing suspek ay isa lamang sa mga positibong resulta ng mas pinasidhing kampanya ng buong pwersa ng The Gallant Valley Cops laban sa kriminalidad. Hindi titigil ang aming hanay upang masiguro ang kaligtasan ng ating mamamayan dito sa Lambak ng Cagayan” dagdag pa ng direktor.#