Bubuksan na sa publiko sa Nobyembre 24, 2024 ang pinakamalaking indoor arena sa buong Lambak ng Cagayan, ang The Capital Arena na pinamamahalaan ng LGU-Ilagan at ipinatayo sa Barangay Alibagu, City of Ilagan, Isabela.
Inihayag ni Mayor Josemarie Diaz na ang The Capital Arena ay mayroong 10,000 maximum seating capacity at inaasahan na dito rin gaganapin ang iba’t ibang mga lokal, pambansa at maging mga international events.
Ilang beses na rin na personal na binisita ni Mayor Diaz kasama ang mga kasapi ng konseho ang lugar upang makita ang kahandaan ng Arena sa pagbubukas nito.
Maliban sa pagbubukas ng Arena, magkakaroon rin ng inaugurasyon ng mga bagong gusali ng Department of Trade and Industry at Department of Education-Schools Division of Ilagan.
Dito rin isasagawa ang State of the City Address (SOCA) ni Mayor Diaz na kasabay na rin ng kanyang kaarawan.#