Nagtamo ng sugat sa katawan ang tatlong katao matapos masaksak ng isang lalaki na nag-amok sa Barangay Linao West, Tuguegarao City, Cagayan ngayong Biyernes, Disyembre 06, 2024.
Napag-alaman na may problema sa pag-iisip ang suspek na nanghabol sa limang katao gamit ang isang itak na nagresulta sa pagkakasugat ng tatlong mga biktima.
Nang mangyari ang insidente, agad na rumesponde ang mga tauhan ng PNP Tuguegarao City sa lugar.
Para mapatigil sa pag-aamok ang suspek, nagbigay ng warning shot ang mga pulis subalit imbes na huminto ay tinangka pa umano nitong habulin ng itak ang isang pulis.
Dahil dito, napilitan na ang pulis na barilin sa paa ang lalaki.
Matapos ang insidente, dinala na sa ospital ang mga biktima pati ang suspek para malapatan ng kaukulang lunas.#