LABIS ang kasiyahan ng mga residente sa Isabela at ilan ay nagpahayag ng inspirasyon sa pagiikot ni Senador Manny Pacquiao, tinaguriang Pambansang Kamao, sa mga bayan ng Alicia, Cauayan City, Angadanan, Echague, at San Guillermo, pawang sa Isabela.
Nakihalubilo at halos madumog sa dami ng tao si Pacquiao makaraang kabababa pa lamang sa kanyang Big Bike nang pansamantala siyang tumigil sa mga bayan-bayan upang magbigay ng kortesiya sa mga pinunong lokal at makisalamuha sa ilan sa mga residente, mga tagahanga at taga-suporta.
Mainit na tinanggap ng mga residente na matiyagang naghintay upang masilayan at makadaupang-palad ang Pambansang Kamao.
Anila, ang pagkakataon na makasama kahit saglit si Pacquiao ay malaking kasiyahan na at panahon na rin na bigyang-pugay ang natatanging Pilipino na nagbigay dangal sa Pilipinas.
Nagpasalamat si Pacquiao sa mainit na pagtanggap at sinabi niyang gusto niyang ibahagi ang kanyang sarili bilang inspirasyon na nagmula sa kahirapan para makaahon rin ang mga Pinoy at maging maunlad.#