Nagsilbing pilot area ng Region 2 ang Victory Liner Bus Terminal sa Caggay, Tuguegarao City sa isinagawang Simultaneous Exercises ng mga sniffing dogs mula sa Special Operations Unit 2- Regional Drug Enforcement Unit (SOG-RDEU2) kasama ang Regional Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit 2 (RECU2).
Ayon kay Police Colonel Pedro Martirez, hepe ng RDEU2, malaking tulong ang mga Narcotics Detection Dogs sa pagsawata sa problema ng bansa sa iligal na droga. Aniya, ipagpapatuloy ng PNP-SOU ang paggamit ng K9 units sa mga anti-illegal drugs operation upang mapabilis ang pag detect kung may iligal na droga sa mga kargamentong itina-transport sa pamamagitan ng mga pampublikong bus at transportasyong pandagat.
Sa kasalukuyan, umaabot sa labing isang K9 dogs ng SOU 2 ang ginagamit sa anti-illegal drugs operations sa Cagayan Valley at inaasahan umanong madadagdagan pa ang mga ito.
Nagkakahalaga ng umaabot sa 200,000 hanggang 300,000 pesos ang halaga ng isang K9 dog.
Ang Simultaneous launching ng Narcotics Detection Dogs ng PNP Special Operations Unit sa iba’t ibang rehiyon ay kinabibilangan ng actual na pagpapakita ng kakayahan ng mga K9 dogs na matukoy ang mga kargamentong may nilalamang droga.(PNP-Region 2)