CAMP MARCELO A. ADDURU, TUGUEGARAI CITY, Cagayan – Nasabat ng mga kapulisan ng Peñablanca at Regional Drug Enforcement Unit 2 (RDEU2) ang Php170,000.00 na halaga ng shabu sa ikinasang anti-illegal drug buy-bust operation sa Maharlika Highway Zone 5, Brgy. Alimannao, Peñablanca, Cagayan kahapon, Hunyo 10, 2024.
Kaugnay nito, nadakip ang isang drug personality na kinilalang si alias “Mario”, 29-anyos at residente ng Brgy. Bulagao, Tuao, Cagayan. Samantala, patuloy namang tinutugis ng mga kapulisan ang isa pang suspek na nakatakas sa isinagawang operasyon.
Ayon sa report mula sa RDEU 2, nakumpiska mula sa suspek ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu at iba pang ebidensya tulad ng buy-bust money.
Agad namang dinala si alias “Mario” sa Peñablanca Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Ipinarating naman ni PBGEN CHRISTOPHER C BIRUNG, Regional Director ang kanyang taos-pusong pagpupugay sa mga kapulisang nasa likod ng matagumpay na operasyong ito at sa patuloy na pagpapalakas ng kampanya kontra iligal na droga sa Lambak ng Cagayan.
“Ang tagumpay na ito ay hindi lamang isang simpleng operasyon kundi isang patunay ng ating dedikasyon sa pagsugpo sa iligal na droga at kriminalidad sa ating komunidad. Sa pamamagitan ng ating pagkakaisa at determinasyon, ating napapatunayan ang katagumpayan ng Bagong Pilipinas, kung saan ang bayan ay ligtas, malinis, at maunlad,” saad ni RD Birung.#