Engr. Erni G. Baggao

Ipinahayag ni Assistant General Manager (AGM), Engr. Erni G. Baggao ang isang mabuting balita sa kanyang mensahe sa Monday convocation na ginanap ngayong araw, July 29, 2024, sa Main Office ng ISELCO II, Alibagu, Lungsod ng Ilagan.

Ang pagtanggap ni AGM Baggao sa kanyang tungkulin bilang Acting General Manager noong Nobyembre ng taong 2022 ay nagbigay daan sa maraming tagumpay para sa Kooperatiba. Mula sa pagiging “A” (Single A) Category, matagumpay niyang naiangat ang ISELCO II sa “AA” (Double A) Category noong 2022 sa loob ng maikling panahon mula nang siya’y manungkulan bilang AGM.

Bunga ng kanyang dedikasyon at mahusay na pamamahala sa Kooperatiba, sa pag-abot ng halos dalawang taon ng kanyang paglilingkod sa ISELCO II, ay muling naging mahalagang instrumento sa lalong pagpapataas ng antas ng institusyon. Sa pamamagitan ng kanyang pakikipagtulungan sa mga Board of Directors at mga empleyado, ang ISELCO II ay makakatanggap ng “AAA Category,” na siyang kauna-unahang pagkakataon sa higit na apat na dekadang pagbibigay serbisyo ng kooperatiba.

Ang Triple A rating ay nangangahulugan na ang isang electric cooperative ay nakapasa sa pinakamataas na antas ng pamantayan ng National Electrification Administration (NEA). Ang rating na ito ay iginagawad sa mga Kooperatiba na nagpapakita ng mahusay na performance sa iba’t ibang aspeto ng kanilang operasyon sa financial, institutional, at technical service. Samakatuwid, ito ay nagpapahiwatig ng mataas na kakayahan ng Kooperatiba na magbigay ng maaasahan at dekalidad na serbisyo para sa kanilang mga member-consumer-owners (MCOs).#