Namatay ang isang negosyante matapos niyang saklolohan ang kaniyang misis na hinoldap sa Bambang, Nueva Vizcaya noong Biyernes.
Ayon kay Police Major Novalyn Aggasid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, ang mag-asawang negosyante ay galing sa kanilang meat shop at kalaunan ng gabi ay nagpunta sa kanilang goat farm kung saan nangyari ang holdapan.
Nang makarating sa kanilang farm ay ipinarada nila ang kanilang tricycle sa daan kung saan naiwan sa loob ang babaeng biktima habang nagtungo naman sa loob ang mister nito.
Dito na umano nakahanap ng tiyempo ang suspek na noo’y nag-aabang sa pagdating ng mga biktima sa lugar kaya agad itong nagtungo sa kinaroroonan ng babaeng biktima at nagdeklara ng hold-up.
Nag-agawan umano sila ng misis ng biktima sa bag nito na may lamang 40,000 pesos at nang marinig ng mister ang sigaw ng kaniyang misis ay agad niya itong sinaklolohan ngunit sinaksak ito ng suspek.
Nagawa namang naagaw ng pinaghihinalaan ang bag at dali-daling umalis sa lugar.
Dahil sa tinamong saksak ng lalaki ay agad itong namatay habang nagtamo naman ng galos sa katawan ang misis nito.
Natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na nagresulta sa agaran nitong pagkaka-aresto.
Nagtungo raw sa slaughter house at nagawa umano nito ang krimen dahil siya ay natalo sa sugal.
Kinasuhan na ng murder ang suspek.#