Bumida ang galing ng ilang mag-aaral mula sa ibat-ibang paaralan sa lalawigan ng Cagayan matapos itampok ang kanilang mga gawang obra sa ginanap na Agrikids for Rice Artwork contest na bahagi ng pagdiriwang ng National Rice Awareness month program ngayong taon.


Makulay at metikuloso ang pagkakagawa sa mga paintings na nilikha ng 28 mag-aaral na lumahok sa naturang patimpalak. May mga likhang kawangis tao, paintings na hango sa mga tanawin, at maging ng mga butil ng bigas na siya namang tema ng paligsahan.


Bago nga magpinta ang mga bata ay nagkaroon muna ng maikling talakayan tungkol sa mga uri ng bigas at maging ng art workshop mula sa mga tagapagsalita ng naturang programa.


Wagi ang obrang ipininta ng 11 anyos na artist na si Dane Dichoson mula sa Tuguegarao East Central School na ginawang inspirasyon ang namayapa niyang tiyahin na malapit sa kanyang puso. Nakatanggap siya ng P2,500 cash, sertipiko at iba pang tokens.
“Thankful po ako at inorganized ito at na-experienced namin ang competition,” dagdag niya.


Aniya, masaya siyang nagkaroon ng ganoong aktibidad sa kanilang lugar dahil nahahasa umano ang kanilang mga talento.
Nag-uwi rin ng cash prizes, medalya at mga sertipiko ang mga iba pang batang nagsipagwagi.


Ang mga larawang ipininta ng mga mag-aaral ay idi-displey kasama ng ibat-ibang produktong agrikultural mula naman sa ahensya.#