Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City, Cagayan- Matapos ang mahaba-mahabang pagkaka antala ng processing ng kanilang aplikasyon sa PNP, sa wakas ay tuluyan ng nanumpa sa kanilang tungkulin ang limampu’t walong kababaihang PNP recruit kahapon.
Pinangunahan mismo ni PRO2 Regional Director, PBGEN STEVE B LUDAN ang pangangasiwa sa oathtaking ceremony ng mga nasabing recruit sa PRO2 Grandstand kaninang hapon.
Pinayuhan ni RD Ludan ang mga recruit na samantalahin ang pagkakataong sila ay hubugin ng maayos sa loob ng Regional Training Center upang maging matino, maasahan at mapagkakatiwalang mga alagad ng batas balang araw.
“Ang aking taus-pusong pasasalamat sa mga pamilya ng mga bagong pulis dahil ipinahiram ninyo ang inyong anak , asawa at ina sa Philippine National Police. Inyo po sanang intindihin na magmula sa araw na ito, habang suot- suot nila ang kanilang uniporme ay pagmamay-ari na sila ng gobyerno kung kayat tungkulin nilang pagsilbihan ang mamamayan ng maayos at patas,” diin ni RD LUDAN.
Ang mga mga bagong pulis ay ipinasakamay na sa Regional Training School 2 sa lungsod ng Cauayan para sa kanilang Public Safety Basic Recruit Course.
Nabinbin ang processing ng aplikasyon ng mga nasabing pulis noong buwan ng Abril taong kasalukuyan matapos maglabas ng direktiba ang pamunuan ng PNP na pansamantala munang suspendihin ang recruitment process.
Samantala, nakatakdang manumpa rin sa kanilang tungkulin ang mga lalaking aplikante sa buwan ng Nobyembre taong kasalukuyan.#
Courtesy: PRO2