Courtesy: Cagayan Provincial Information Office

Pormal nang idineklara ng Department of Health (DOH) bilang “malaria-free province” ang Cagayan sa isinagawang Malaria-Free Awarding 2024 na ginanap sa Century Park Hotel, Manila.

Ang parangal ay personal na tinanggap ni Provincial Health Officer Dr. Rebecca Battung, at Engr. Felizardo Taguiam, Provincial Malaria Program Coordinator, matapos mapanatili ng lalawigan ang pagiging “zero local transmission” ng malaria sa loob ng mahigit limang taon.

Ilan sa mga mahahalagang hakbang na isinagawa upang makamit ang malaria-free status ng probinsya ay ang Early Detection, paggamit ng mga kulambo at pagsasagawa ng indoor residual spraying sa mga lugar na dati nang apektado ng malaria, pagsasanay sa mga medical technologists, kabilang ang microscopy training at refresher courses, pagsasagawa ng information drive o pamamahagi ng mga Information, Education, and Communication (IEC), at maigting na kolaborasyon sa kanilang malaria partners tulad ng DOH, Municipal LGU’s, at iba pa.

Binigyang-diin ng PHO na bagama’t sa kasalukuyan ay wala nang malaria sa lalawigan, patuloy parin na magsasagawa ang ahensya ng mga hakbang upang maiwasan ang pagbalik ng malaria.

Kabilang sa mga hakbang na isasagawa ay ang pagpapalakas ng mga surveillance system at patuloy na pagpapaalam sa publiko tungkol sa pag-iwas sa malaria.#