Courtesy: PDEA Region 2

Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang isang lalaki na tumakas matapos masamsaman ng 2.2 milyong piso na halaga ng marijuana bricks sa Tabuk City, Kalinga.

Ayon sa PDEA Region 2, nakatanggap sila ng ulat tungkol sa iligal na aktibidad ng suspek na kinilalang si Alyas Jun, partikular sa pag iingat ng marijuana bricks.

Agad nagsagawa ng entrapment operation ang mga otoridad subalit habang isinasagawa ang operasyon ay mabilis na tumakas ang suspek. Naiwan nito ang dala-dalang kontrabando na nagkakahalaga ng humigit-kumulang 19,000 grams ng marijuana bricks at tinatayang nagkakahalaga ng P2,280,000.

Sa ngayon, mas pinaigting na ng kapulisan at PDEA ang kanilang pakikipagtulungan sa mga karatig na lugar upang tuluyang mahanap at mahuli ang tumakas na suspek.#