Sa ika-39 na Biosurveillance Report ng Department of Health (DOH) Central Office, University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC) at University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH) inihayag na ang buong rehiyon ay nakapagtala ng kaso ng Delta Variant. Pumalo sa 73 Delta Cases at isang Alpha variant case ang naitala sa pinakahuling pagsusuri.
Ayon sa natanggap na report, napag-alaman na ang probinsya ng Isabela ay may 26 na kaso mula sa Santo Tomas (5), Alicia (4), Santiago City (4), Ilagan City (3), Ramon (2) at tig-isa sa mga bayan ng Angadanan, Cabatuan, Echague, Jones, Quezon, San Agustin, San Isidro at San Manuel. Samantalang ang probinsya ng Cagayan ay may 22 na nagmula sa iba’t-ibang mga bayan, kabilang dito ay ang Tuguegarao City (7), Alcala (3), Aparri (2), Lal-lo (2), Santo Niño (2), Solana (2) at tig-isa din sa mga bayan ng Baggao, Iguig, Peñablanca at Gonzaga. Mayroon ding 13 na kaso sa probinsya ng Nueva Vizcaya na mula sa mga bayan ng Bayombong (2) at tig-isa sa mga bayan ng Ambaguio, Aritao, Bagabag, Bambang, Diadi, Dupax del Norte, Dupax del Sur, Kasibu, Quezon, Santa Fe at Villaverde. Sa probinsya ng Quirino ay may pitong kaso mula sa Diffun (3), Aglipay (2), at Maddela (2). Ang probinsya ng Batanes na kamakailan ay nagkaroon ng biglaang pagtaas ng mga kaso ay nakapagtala din ng 5 kaso mula sa Basco (3) at Mahatao (2). Dagdag sa pagsusuri ang isang Alpha Variant case sa Solano, Nueva Vizcaya.
Sa Isabela kung saan may pinakamaraming naitalang Delta Variant cases ay may mga kasong nasawi, dalawa sa bayan ng Alicia at isa naman sa bayan ng Ramon. Ang nag-iisang namayapang kaso sa Cagayan ay mula sa bayan ng Gonzaga. Lahat ng naisiwalat na mga kaso ay pawang local cases at gumaling na mula sa sakit maliban sa apat na nabanggit na indibidwal.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) sa mga apektadong Rural Health Units at Local Government Units sa pamamagitan ng Special Action Team (SAT) sa pagsasagawa ng mga kaukulang aksyon katulad ng case investigation at contact tracing activities at magpapatuloy sa pagbibigay-impormasyon ang Kagawaran patungkol sa mga kaso.
Nananawagan ang Kagawaran ng Kalusugan na manatiling magtulungan ang mga mamamayan upang mapababa ang mga kaso ng COVID-19 sa pamamagitan ng striktong pagsasagawa ng Mask-Hugas-Iwas, ito at ang karagdagang proteksyon ng bakuna nawa ang daan upang tuluyang mapuksa ang sakit na naka-apekto sa pamumuhay ng bawat isa. Marahil ang karamihan ay napapagod na sa mga health protocols ngunit ito ang ating pangunahing depensa laban sa sakit. (Source DOH Region 2)