Courtesy: Cagayan PIO

Patay ang 20-anyos na lalaki matapos itong banggain ng isang pick-up habang ito ay nag jo-jogging sa Brgy. Alimannao, Peñablanca, Cagayan.

Ayon sa Penablanca Police Station, bago ang insidente ay binabaybay umano ng 20-anyos na driver ng pick-up ang kahabaan ng lansangan sa naturang lugar pauwi sa Brgy. Larion Bajo, Tuguegarao City.

Kaugnay rito, nakita ng mga saksi na bago ang insidente ay nagpagewang-gewang muna ang pick-up na sinasakyan ng suspek hanggang sa mabangga nito ang nakaparadang traysikel sa gilid ng daan.

Agad din umanong kinabig ng driver ng pick-up ang manibela pakaliwa kaya muli nitong nabangga ang isa pang SUV na nasa kabilang linya ng kalsada hanggang sa tumbukin na nito ang hindi na pinangalanan pang biktima na residente sa naturang lugar na noon ay kasalukuyang nag-ja-jogging. Makatapos nito ay bumangga muli ang pick-up sa harapang bahagi ng isang sari-sari store.

Pumailalim sa harapang bahagi ng pick-up ang biktima na nagtamo ng malubhang sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkasawi.

Ayon sa pulisya, hinihintay ngayon ang resulta ng medikal na pagsusuri sa suspek upang matukoy kung ito ba ay nasa impluwensiya ng alak nang maganap ang insidnete.

Bukod dito, wala nang iba pang indibidwal ang nadamay matapos ang aksidente at sa ngayon ay nasa kustodiya na rin ng kapulisan ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.#