Lalaki, arestado matapos saksakin ang kanyang magulang at kapatid

Ulat ng LNC Team

Pinagsasaksak ng isang lalaki ang kanyang mga magulang at isang kapatid matapos nitong magwala ng madaling-araw kahapon sa Pampang, Kayapa, Nueva Vizcaya. Sinampahan ng kasong dalawang bilang ng parricide at frustrated homicide ang suspek.

Sa panayam ni Philippine Daily Inquirer/GMA7 stringer Bill Visaya kay Police Lt. Joefrey Nool, deputy chief of police ng PNP-Kayapa sa Nueva Vizcaya, kinilala ang suspek na si Iryb Baltazar, 28 anyos habang ang mga napatay na magulang ay sina Ruben Baltazar, 68 anyos at Nora Baltazar, 65 anyos, pawang residente ng Pampang, Kayapa, Nueva Vizcaya.

Ang mag-asawang Baltazar ay nagtamo ng maraming saksak sa katawan na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Ang anak nilang si Shayra Baltazar, 26 anyos ay nagtamo ng sugat sa kanyang braso ngunit nakatakas at nakahingi ng tulong sa kanyang tiyahin na kanilang kapitbahay.

Lumabas sa imbestigasyon ng Kayapa Police Station na sinamahan ng mag-asawang Baltazar ang kanilang anak na matulog sa sala ng kanilang bahay ngunit dakong alas tres ng madaling araw ng July 14 ay nagwala ang suspek at pinagsasaksak ang kanyang mga magulang.

Lumalabas na nakakaranas ang suspek ng kapansanan sa pag-iisip matapos na mabagok ang ulo sa isang aksidente ilang buwan na ang nakalipas.

Tumugon sa krimen ang Kayapa Police Station matapos matanggap ni PCorporal Mark Allen Corpuz ang impormasyon hinggil sa pagwawala at pananaksak ni Iryb Baltazar na kusang sumuko sa mga alagad ng batas.

#