CAMP MARCELO A ADDURU, TUGUEGARAO CITY – Naaresto na ng Cauayan City Police Station ang suspek sa pagpaslang sa 60 anyos na biktimang si Magelan Pisalang Durao ng P7D, District 1, Cauayan City, Isabela.

Ang nadakip na suspek ay kinilalang si Frederick Paccarangan alias “Pendong”,  residente ng nasabing  lugar.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Cauayan City Police Station hating gabi noong Ika-6 ng Hunyo 2022 nang pagsasaksakin umano ng suspek ang biktima sa loob ng kanyang bahay at kasalukuyan ng nagpapahinga.

Napag alaman na bago pa nangyari ang krimen, nasa kasarapan  ng pagtulog ang biktima nang maalimpungatan ito dahil sa  tahol ng aso. Sa puntong ito,  bigla na lamang pumasok ang suspek sa  silid ng biktima at walang kaabog abog  na  itinulak  ito at saka ito nagbanta. Kasunod nito ay  walang awang pinagsasaksak ng suspek ang biktima ng paulit ulit sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan. Kaagad tumakas ang suspek na si Pendong  subalit nadakip din kinalaunan ng PNP.

Samantala, isang menor de edad ang nakasaksi umano sa insidente na apo mismo ng biktima at kung saan nakapag video pa umano ito  ang magyari ang krimen. Kaagad itong humingi ng saklolo sa kapitbahay nang makita niyang tangkaing sunugin ng suspek ang  silid ng biktima.

Agad na naisugod ang biktima sa Cauayan District Hospital  subalit idineklarang dead on arrival  ito ng umaasikasong doktor.

Narekober ng Cauayan CPS at PNP Forensic Unit Cauayan City  sa crime scene ang isang “kitchen knife” ng suspek na ginamit sa pananaksak.

Sumasailalim na sa  inquest proceeding  ang suspek para sa kasong Murder na isasampa laban sa kanya sa City Prosecutor’s Office, Cauayan City, Isabela.

###