Courtesy: MDRRMO Enrile
Natagpuan na ang bangkay ng lalaking nalunod sa Ilog Cagayan sa bahagi ng Enrile kahapon ng Huwebes, Nobyembre 28, 2024.
Inihayag ni Don Erickson Orje, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Enrile, na nakita ng isang residente ang bangkay na palutang-lutang sa ilog sa bahagi ng Solana kahapon na siyang nagbigay-alam sa mga rescuer ng Solana.
Aniya, agad namang rumesponde ang mga rescuer ng Solana na silang nagpaabot ng naturang impormasyon sa tanggapan ng MDRRMO Enrile.
Sinabi ni Orje na mismong ang mga kamag-anak ng lalaki ang nagkumpirma na ang natagpuang bangkay ay si Jaypee Valderama, 34-anyos, residente ng Brgy Fugu, Ballesteros na kasakuluyang nagtatrabaho bilang construction worker sa Enrile.
Nitong araw ng Martes nang mai-ulat na nalunod ang lalaki matapos maligo sa Ilog Cagayan kasama ang kanyang kaibigan at habang naliligo ay napunta sa malalim na bahagi ng ilog na dahilan ng kanyang pagkalunod.
Nabatid din sa MDRRMO-Enrile na bago naligo ang lalaki at mga kaibigan ay nagkaroon ng inuman sa bunk house nila sa Brgy. 2, Enrile.#