Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City Cagayan – Nahaharap sa kasong paglabag sa RA10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Comelec Resolution No. 10918 (Comelec Gun Ban) ang isang kandidato sa pagkabarangay kagawad matapos mahulihan ng baril sa bayan ng Baggao, Cagayan dakong alas tres ng hapon, ngayong araw.
Ang suspek ay kinilalang si alyas “Randy” at residente sa nabanggit na bayan.
Batay sa report ng PNP Baggao, may natanggap silang tawag mula sa isang concerned citizen na may isang lalaking natutulog sa harap ng tindahan sa Barangay San Isidro, Baggao, Cagayan kung saan umano may dala itong baril.
Agad naman nagtungo sa lugar ang mga kapulisan ng Baggao Police Station upang kumpirmahin ang nasabing report. Nang dumating ang mga otoridad sa lugar ay positibo na nakita na may bitbit ang nasabing lalaki na baril at walang maipakitang dokumento na dahilan ng kanyang pagkaaresto. Napag-alaman din ng kapulisan na ang nahuling suspek ay tumatakbong Barangay Kagawad sa paparating na BSKE.
Sa kabilang dako, pinuri ni Police Brigadier General, Regional Director ng Police Regional Office 2 ang PNP Baggao sa matagumpay na pagkahuli nang nasabing suspek at agarang pagreresponde. Hinikayat niya ang publiko na ireport agad sa pulisya kung may mga namataan na lumalabag sa election gun ban o anumang uri ng kriminalidad. Binigyan diin nito na mas pahihigpitin pa ng Valley Cops ang kampanya kontra kriminalidad at ang ipinapatupad na Comelec Gun Ban Checkpoints sa buong rehiyon dos upang maiwasan ang anumang insidente ng krimen o karahasan sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023
PNP Region 2 Press Release