Nasabat ng Cagayan Anti-Illegal Logging Task Force (CAILTF) ng halos 300 board feet na mga abandonadong tinistis na kahoy ng narra sa bayan ng Baggao, Cagayan kahapon at kaninang madaling araw, Dec6.
Ayon kay Atty. Leonard Beltran, Head ng Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO) ng Cagayan, aabot sa 28 malalaking tabla ng Narra ang nadatnan ng mga miyembro ng task force sa mabundok na bahagi ng Barangay C. Versoza sa naturang bayan.
Hinihintay na lamang ngayon ang resulta ng ginawang pagsusuri ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang matukoy ang kabuuang halaga ng mga narekober na kontrabando.
Ang mga narekober na kahoy ng narra ay inimbak umano sa naturang lugar at kalaunan ay iniwan ng mga hindi na natukoy na mga indibiduwal. Kaugnay rito, nagbabala naman ang mga otoridad sa posibleng kaso na kaharapin ng sinumang mahuhuli sa iligal na pamumutol ng mga punong kahoy at pagsira sa kapaligiran.#