Tunay nga ang kasabihan na kapag may itinanim, may aanihin.
Kakaiba naman para sa kapulisan ng 4th Mobile Force Platoon 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company, iba ang kanilang bersiyon dahil sa kanila, kapag may itinanim ang kapulisan, may aanihin para sa mamamayan.
Higit tatlong buwan nang magtanim sila ng sari-saring gulay sa kanilang hardin at hindi nila inaasahan na aabot sa higit 45 kilo ang maaani nila kamakailan.
Dahil nga napakarami rin ng kanilang naani, naisipan na lamang nila itong ipamigay sa mga residente ng Brgy. Sta. Barbara sa Piat, Cagayan kung saan sila nakabase.
Nagsimulang magtanim ang mga kapulisan noong Hulyo ng taong kasalukuyan at kamakailan nga ay nakaani sila ng 8 kilo ng kalabasa, 10 kilo ng talong, 5 kilo ng sili, 5 kilo ng okra, 8 kilo ng ampalaya, 5 kilo ng sigarilyas, at 5 kilo ng sitaw.
Maliban sa mga gulay, namigay din sila ng 60 kilo ng bigas sa mga residente bilang karagdagang ayuda.
Labis na ikinatuwa ng mga kapulisan na sa kanilang simpleng pagtatanim, nabigyan nila ng masustansiyang pagkaing maihahain ang mga nangangailangan nating kababayan.
Nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo sa nakitang pagpupursigi at dedikasyon ng mga pulis na makatulong sa kanila lalo na ngayong panahon ng pandemya.(PIA-Reg.2)