Ulat ng LNC Team

Patuloy ang ginagawang pagbabantay ng Department of Human Settlements and Urban Development-Region 2 (DHSUD) para sa mga naglipanang real estate brokers at agents na nagbebenta umano ng mga lupang kulang ang papeles at hindi lisensyado.
Ayon kay Engineer Eleanor Uboan, Regional Director ng DHSUD-Region 2, nakikipag-ugnayan na raw ang kanilang opisina sa ibat-ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Justice, National Bureau Investigation, Philippine Regulation Commission at mga kawani ng Philippine National Police upang mamonitor ang mga iligal na aktibidad ng mga pekeng nagbebenta ng lupa sa Rehiyon Dos.
“Napansin niyo medyo nabawasan kasi meron tayong monitoring dito meron tayong division in charge sa monitoring and pag ganun na may mga nahuhuli talagang sinusulatan natin sila and happy to say, na mataas ang compliance ng mga nasusulatan and mataas din yung ating mga collections sa fine,” dagdag pa niya.
Ilan naman sa mga nasampolan ang ilang land developers sa Lambak ng Cagayan matapos mapag-alamang walang sapat na papel at hindi rehistrado ang mga lupang ibinebenta umano ng ilan habang ang iba naman ay wala pang papeles para sa project pre-selling at selling kahit pa rehistrado na ang kanilang kumpanya.
Ang Vynz Land Holdings OPC, isa sa mga land developers, tinatapos na ang mga papeles sa mga lupang ibinebenta nito sa ilang proyekto bagaman at una nang naudlot dahil sa kakulangan pa ng pag-apruba ng DHSUD.
Nilinaw naman ni Uboan na hindi iligal ang mga brokers at salesperson ng naturang kumpanya dahil lisensyado naman ang mga ito at may kaukulang permiso upang magtinda ng mga ari-arian.
“Talaga naman kailangan naming kuhanan ng certificate of registration, license to sell as per VHL po meron po kaming COR pero as per project wala po kaming COR for project so yun na po yung kino ko-comply namin ngayon and thankful po ako kay RD Uboan kasi gina-guide niya kami and tuloy-tuloy lang po, makakatapos din sunod-sunod naman yan sir na nagsa-submit kami so makukumpleto din po namin,” pahayag naman ni Hedelvine Reyes, Chief Executive Officer ng Vynz Land Holdings OPC.
Sa kasalukuyan nga ay patuloy ang ginagawa nilang pakikipag-ugnayan sa DHSUD upang isumite ang mga kulang nitong papeles.
Pinaalalahanan naman ni Direktor Uboan ang mga brokers sa rehiyon na unahin muna ang pagkuha ng lisensya sa mga proyekto at siguraduhing rehistrado ang mga ari-ariang kanilang ibinebenta.
Aabot sa sampung libo o mas higit pa ang maaring maging multa ng sino mang mahuhuling lumalabag sa mga panuntunan ng ahensya.#