Sa lingguhang paglabas ng Biosurveillance Report base sa Whole Genome Sequencing mula sa Department of Health (DOH) Central Office, University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC) at University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH), nakapagtala ng labing isang (11) Delta Variant ng COVID-19 sa ating rehiyon.
Sa panibagong ulat, may anim na kaso ng Delta Variant sa probinsya ng Cagayan mula sa Peňablanca (1) at Tuguegarao (5), tatlo naman sa probinsya ng Isabela mula sa mga bayan ng Cabagan, Jones at San Mateo. Habang may tig-isa sa bayan ng Solano sa Nueva Vizcaya at sa bayan ng Diffun, sa Quirino. Ang mga kaso ay pawang local cases at gumaling na mula sa sakit.
Ayon sa Local Cases of Variant of Concern per Province Report ng RESU, ang buong Rehiyon Dos ay nakapagtala ng mga sumusunod na bilang mula Marso hanggang ika-26 ng Setyembre. Ang Alpha Variant (unang natuklasan sa UK) ay mayroong 325 cases, 303 dito ay recovered cases samantalang 22 dito ang namayapa. Ang Beta Variant (unang natuklasan sa South Africa) ay mayroong 45 cases, 42 ay recovered cases habang tatlong kaso ang namayapa. Ang Delta Variant (unang natuklasan sa India) ay mayroong 176 cases, 171 ay recovered cases at mayroong limang namayapa. At ang Theta Variant (unang natuklasan sa Pilipinas) ay nakapagtala ng tatlong kaso at lahat ay fully recovered o gumaling na sa sakit.
Patuloy parin sa pagsasagawa ng maingat na case investigation at contact tracing activities ang ating Special Action Team (SAT) ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) sa tulong ng Rural Health Units at Local Government Units ng mga apektadong munisipalidad at ang Kagawaran ay patuloy sa pagbibigay ng mga importanteng impormasyon sa mga kaso.
Mahalaga ang kani-kaniyang responsibilidad ng bawat isa sa pagpapababa ng mga kaso ng COVID-19 sa ating lipunan. Nawa’y ang mga minamahal nating mamamayan ay hindi magsasawa sa pagsunod sa ating safety protocols. Ang Mask-Hugas-Iwas ay nananatiling mahalagang sangkop sa pagpigil sa pagkakahawaan ng sakit. Manatili lamang sa loob ng bahay, huwag na munang lumabas kung hindi kinakailangan at ang mga social gatherings ay mas mainam na ipagpaliban muna at gamitin ang virtual platforms para sa kapakanan at kaligtasan ng bawat isa. Siguraduhing may maayos na daloy ng hangin sa bawat lugar na pinupuntahan maging sa loob ng bahay at sa mga opisina. Binibigyang-linaw ng Kagawaran na ligtas at mabisa ang mga bakunang may Emergency Use Authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA), magpalista sa inyong LGU at magpabakuna upang mabigyan ng dagdag proteksyon ang sarili at mga minamahal sa buhay.#