TUGUEGARAO CITY – Nadakip na ng Sta Teresita Police Station ang suspek na dating caretaker ng pamilya matapos tumakas nang manloob sa bahay ng negosyante at pagsaksakin at mapatay din sa saksak ang dalawang menor de edad na bata sa Barangay Villa, Sta Teresita, Cagayan kamakalawa ng gabi, ayon sa naantalang ulat ng pulisya.

Ang suspek ay kinilalang si Jerry Maba Genova, tubong Calayan, Cagayan at kasalukuyang naninirahan sa nasabing lugar. Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Sta Teresita Police Station, bandang 10:40 kagabi, Agosto 1, 2022 nang mangyari ang insidente nang pagsasaksakin umano ng suspek ang biktimang si Evelyn Perez, 64 anyos kasama ang dalawang apo nito na si alias Mark, 6 anyos at alias Marco, 5 anyos na nakahiga sa kanilang kwarto.

Kung saan isang concerned citizen ang sumaklolo nang marinig nito ang sigaw ng biktimang si Evelyn habang nakikipaglaban sa suspek. Dali daling tumawag sa hotline ng Sta Teresita Police Station na agad naman nagresponde ang mga kapulisan sa lugar at naisugod ang mga biktima sa pagamutan at agad din nagsagawa ng hot pursuit operation na nagresulta ng pagkadakip ng suspek. Napag alaman na bago pa nangyari ang krimen, nang mapatulog na ni Evelyn ang dalawang apo ay tinignan ang pintuan at bintana ng kanilang bahay upang masiguro na nakasarado ang mga ito at pagbalik nito sa kwarto ng kanyang mga apo ay may napansin na isang lalaki naka bonete ng itim at may hawak na kutsilyo.

Nakiusap pa umano ang biktima sa suspek at lumabas subalit pinagsasaksak siya sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at itinali ang kamay gamit ang cellphone cord at tela naman sa kanyang mga paa. Pagkatapos nito ay pinagsasaksak naman ang kanyang dalawang apo sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan habang natutulog. Saka, pinagkukuha ang mga personal na gamit ng biktima, di matukoy na halaga ng pera at mga alahas gaya ng mga ginto at pilak na mga kuwintas at porselas. Narekober ang mga alahas pero wala na ang mga pera. Agad na naisugod ang mga biktima sa Gonzaga District Hospital, Gonzaga, Cagayan para sa medical na attention subalit ang dalawang bata ay ideneklarang patay nang umaasikasong doktor.

Sinampahan ng kasong Robbery with Homicide in relation to RA 7610, Frustrated Murder; Direct Assault, Resistance at Disobedience of Person in Authority or Agent of Person in Authority laban sa suspek.#