Ulat ng LNC Team
CITY OF ILAGAN-Tinututukan ang competitive selection process bilang isa sa mga pamamaraan para sa mga proyektong renewable energy sa Isabela Electric Cooperative 2 para magkaroon pa rin ng pagkakataon na mapababa ang singil sa kuryente.
Inihayag ni ISELCO 2 OIC-General Manager Charles Roy Olinares, ang pagsasagawa ng competitive na selection process ay batay sa Circular ng Department of Energy (DOE) na ipinatutupad sa bansa.
Nakalakip sa Renewable Energy Act na ang mga renewable energy plants ay exempted sa 12% Value Added Tax (VAT), dagdag niya.
Dalawa ang mga renewable energy projects, ang Solar Farm sa San Pablo, Isabela at Hydro Power Plant sa Antagan 1st sa Tumauini, Isabela ang mga tinututukan.
Embedded raw o nasa ilalim ng pamamahala ng kooperatiba ang mga renewable energy projects kaya mababawasan din ang transmission charge hinggil rito.
Nakatakda nang ipalabas ang provisional authority ng Energy Regulatory Commission sa mga proyekto at inaasahang magagamit na ito sa madaling panahon.
Sa iba pang usapin,kinakailangan munang aprubahan ng National Electrification Administration (NEA) ang pagsasawa muli ng Annual General Membership Assembly at ang kaakibat na supplementary budget, ayon pa kay Engineer Olinares.
Bunsod ito ng kahilingan ni Mayor Josemarie Diaz na esponsoran ang lugar at ilang tulong sa pinansiyal na aspeto upang maisagawa sa lungsod ang AGMA. Nagpalabas ng resolusyon ang konseho ng City of Ilagan na humihiling sa ISELCO 2 na sa siyudad ang AGMA dahil dito nakatayo ang principal office ng kooperatiba at karamihan ng mga member-consumer owners ay mula sa lungsod.#