Buntis, inabutan ng panganganak sa loob mismo ng ambulansya kaya agad tinulungan ng mga bumbero sa Solana, Cagayan.
Dahil sa maagap raw na pagtulong, ligtas na naisilang ang isang malusog na babaeng sanggol.
Una rito, sinaklolohan ng mga bumbero ang isang buntis na ginang na hindi na pinangalanan upang dalhin sa Nuestra Señora de Piat District Hospital para sa kanyang panganganak.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, inabutan ito ng panganganak habang nasa biyahe kaya agad na isinigawa ng mga tauhan ng BFP ang emergency delivery sa mag-ina.
Kabilang naman sa Emergency Medical Services (EMS) team na nag-asiste sa panganganak ng ginang ang apat na mga bumbero na sina FO3 Pamittan, FO2 Aiza Ubiña, FO2 Michelle Solis, at FO1 Ernest Jed Simeon.
Matapos ang pagpapaanak sa ginang, agad din itong dinala sa ospital upang agad na masuri at mabigyan ng atensyong medikal.
Sa kasalukuyan, nasa maayos nang kalagayan ang mag-ina.#