Ulat ni Carla Natividad
Umarangkada na ngayong araw ang Brigada Eskwela sa Lungsod ng Ilagan at lalawigan ng Isabela.
Kabilang sa nagsasagawa ng kick-off ceremony ay ang Alibagu National High School na ibinida ang kanilang Brigada Eskwela at Oplan Balik-Eskwela na may temang “Tugon sa Hamon ng Ligtas na Balik-Aral” sa Lungsod ng Ilagan, Isabela.
Ito ay sa pamununo ng kanilang punong-guro na si Ginang Mia Madduma at Brigada Coordinator na si Anthony Cabrera sa pakikipagtulungan ng kanilang mga stakeholders. Kabilang dito ang Ilaganda, Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Lingap Center, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection.
Ayon kay Brigada Coordinator Anthony Cabrera, ang paghahanda na kanilang ginagawa ay upang masiguro na maayos at ligtas ang pagbabalik ng mga bata sa eskwela ngayong ika-22 ng Agosto taong kasalukuyan.
Kabilang sa mga ginagawa ay ang paglilinis sa silid-aralan, grass cutting, trimming ng mga puno at paglilinis sa kapaligiran na maaaring pamuhayan ng mga lamok.
Inihayag ni Ginang Madduma, punong-guro ng nasabing eskwelahan, maayos na raw ang paaralan.
“Wala pong room na may mga sira o butas. Actually, ang aming eskwelahan hindi pa man Brigada Eskwela ay inihahanda na po namin para sa darating na pasukan. Handang-handa na ang Alibagu National High School sa darating na pasukan.”
Taos-puso silang nagpapasalamat sa kanilang mga stakeholders lalo na kay Ilagan Mayor na si Josemarie Diaz na walang sawa sa pagtulong taun-taon.
Masaya rin si Ginang Leonora Toribio, isang magulang na residente sa Brgy. Alibagu, Ilagan City, Isabela dahil makakapag-aral na umano ng maayos ang kaniyang mga anak hindi katulad noon na modular learning.#