Namatay ang isang tricycle driver matapos makasalpukan ang puting closed van-type/pick-up na sasakyan sa national highway ng Barangay Gosi Norte, Tuguegarao City kahapon (Agosto 9) ng 3 pm.
Dead on the spot ang biktimang si Tomas Quindatan , 55 anyos na residente ng Zone 5 Ballad Street, Tanza, Tuguegarao City.
Pauwi na si Quindatan na naghatid ng pasahero ng salpukin siya ng kasalubong na pick-up na may plakang BAA-4644 na minamaneho ni Carl Asuncion, 22 anyos, walang trabaho at residente ng Lingu, Solana, Cagayan.
Sinakop umano ni Asuncion ang lane ng kasalubong na tricycle na dahilan ng head on collision.
Sa panayam ng pahayagang ito kay Domingo Liggayu, kasamahang drayber ni Quindatan, napasugod sila sa lugar nang malamang ang disgrasya at nadala na rin sa punerarya ang katawan ng biktima.
Napatunayan sa resulta ng alcoholic breath test kay Asuncion na nakainom ito ng alak ng mangyari ang malagim na aksidente.
Pansamantalang nakakulong si Asuncion sa piitan ng PTU Don Domingo at naisampa na ang kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Damage to Property.#