Patay ang isang 72-anyos na barangay kapitan matapos itong pagbabarilin ng isa sa dalawang mga armadong sakay ng motorsiklo sa Barangay 2, Enrile, Cagayan.
Nakilala ang napaslang na si Bernardo Gacuan, 72, punong barangay ng Barangay 2 sa bayan ng Enrile.
Sinabi ng mga imbestigador na papasok na sana si Gacuan sa barangay hall nang ang isa sa mga armadong lalaki, na sakay ng motorsiklo na walang plate number, ay bumuntot sa kanya at paulit-ulit na binaril sa kanyang likuran.
Nakasuot ng black long sleeve shirt at gray pants ang gunman habang naka jersey sando at black pants ang driver. Parehong naka helmet ang dalawang lalake.
Dinala si Gacuan sa St. Paul Hospital sa Tuguegarao City ngunit idineklara itong dead on arrival.
Sinabi ni Police Brig. Gen. Antonio Marallag Jr., Cagayan Valley regional police director, na tinutugis na nila ang mga pumatay.
Sinusuri ng probe team ang CCTV footage para makatulong sa imbestigasyon habang pinoproseso ng Scene of the Crime operatives ang pinangyarihan ng krimen.
Blangko pa ang pulisya sa motibo at pagkakakilanlan ng mga pumatay.#