Courtesy: Nagtipunan Municipal Police Station

Natagpuan na sa ilog na bahagi ng Barangay Dipantan ng mga rescuers ang isang estudyante na nalunod sa ilog Cagayan na sakop ng Sitio Siitan, Brgy. San Ramos, Nagtipunan, Quirino.

Sa ulat ni Police Maj. Fernando Manayod, hepe ng PNP Nagtipunan, natagpuan ang bangkay ni Weigen Dela Cruz, 19-anyos, estudyante at residente ng Greenland Subdivision, Brgy. Patul, Santiago City.

Nagkayayaang mamasyal sa Landingan Viewpoint ang grupo ng biktima pero dahil hindi pa maganda ang kalsada sa lugar dahil sa epekto ng mga nagdaang bagyo ay nagdesisyong lumipat muna sa ibang lugar ang magbabarkada.

Habang pabalik ang mga ito, napadaan sila sa naturang ilog kung saan hindi na dumaan sa mismong entrance ng nasabing dinadayong ilog pasyalan ang grupo ng biktima.

Habang sila’y nasa ilog, naengganyo umano ang ilan sa mga ito na maligo sa ilog kasama na ang biktima na kalauna’y biglang tinangay ng malakas na agos ng tubig hanggang sa hindi na ito makita.

Naipasakamay na sa mga kaanak ang labi ng biktima.#