Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City Cagayan- Tinatayang nasa mahigit isang milyong halaga ng mga alahas, mga gamit at cash na nasa kalahating milyong piso ang nilimas ng mga akyat bahay sa compound ng isang negosyante sa Brgy Malapat, Cordon, Isabela kaninang madaling araw.
Tinutugis parin ngayon ng mga awtoridad ang dalawang lalake na siyang responsable sa panloloob sa tahanan ng negosyanteng si Imelda Trajano.
Nasa mahigit limang daan pisong cash at mga alahas at ibat ibang mga gamit kabilang ang tatlong mamahaling cellphone at isang 9mm Taurus 380 na baril ang matagumpay na natangay ng mga suspek sa bahay ng naturang negosyanteng sa Brgy Malapat, Cordon, Isabela.
Lumabas sa pagsisiyasat ng PNP Cordon na dakong alas 3:00 ng madaling araw kanina nang pasukin ng dalawang di pa nakikilalang salarin ang compound ng biktima gamit ang isang hagdan. Base sa salaysay ng biktima , nakapasok ang mga kawatan sa bintana ng kanilang bahay armado ng patalim. Hindi nakapalag ang negosyante matapos talian ang kanyang mga kamay at paa kung kayat malaya ang dalawa na maisakatuparan ang kanilang maitim na balak. Tumakas ang mga suspek pagkatapos ang insidente.
Pasado alas 6:00 na ng umaga kanina nang dumulog ang ginang sa himpilan ng Cordon PNP upang ireport ang naturang pangyayari.
Payo ng mga otoridad, maging alerto upang hindi mabiktima ng mga gumagalang grupo ng mga magnanakaw.
Ayon kay PMAJ FERDINAND MALLILLIN, Chief of Police ng PNP Cordon, tinitignang anggulo sa krimen ang isang ” inside job” kung saan itinuturong suspek ang mismong gwardya sa bahay ng pamilya Trajano na tila walang ginawa nang mangyari ang panloloob base sa kuha ng CCTV..
Ang naturang gwardya ay nasa Cordon Police Station para sa mas malalimang imbestigasyon hinggil sa insidente.#