
Mahigit P300,000 ang halaga ng mga ari-arian ang natupok nang masunog ang isang bahay matapos mag-overheat ang isang electric fan sa unang araw ng Bagong Taon sa Centro, Sto. Tomas, Isabela.
Sa ulat ni SFO3 Felipe Ante, Officer-in-Charge ng BFP Sto. Tomas, nangyari ang sunog pasado alas-7:20 ng umaga noong Enero 1 kung saan tanging ang kapatid ng may-ari ang naiwan sa bahay ng mangyari ang sunog.
Nagising na lamang si Gaudencio, ang kapatid ng may-ari na nakatira sa bahay, na nag-aapoy na ang nasabing bentilador kaya’t mabilis itong bumaba mula sa ikalawang palapag ng bahay para apulahin ang sunog ngunit pagbalik nito sa itaas na bahagi ng bahay ay halos lamunin na ng apoy ang buong kabahayan.
Umabot naman sa 2nd alarm ang sunog na tumagal ng higit isang oras bago tuluyang maideklarang fire-out ng mga rumespondeng mga tagapamatay-sunog.
Wala namang nadamay na ibang bahay sa naturang sunog at wala naiulat na nasugatan o namatay.#