Tinatayang mag-landfall ang bagyong Karding sa kalupaan sa Divilacan, Isabela sa araw ng Linggo, Setyembre-25.
Ayon kay Tony Pagalilauan ng DOST-PAGASA, kumikilos ang bagyo pakanluran at bahagyang mabagal sa 10km/h at maaaring itaas hanggang severe tropical category.
Aniya, simula bukas ay makakaranas na ng pag-uulan ang malaking bahagi ng hilagang Luzon kasama na ang Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR).
Maaari rin aniyang magtaas ng Gale warning ang PAGASA bukas bilang pag-iingat sa mga mangingisda maging sa mga bumibiyahe sa dagat dahil sa banta ng mga malalaking alon.
Sa ngayon, sinabi ni Pagalilauan na wala pang direktang epekto ang nasabing bagyo sa bansa pero maaaring makaranas ng pag-uulan dahil sa epekto ng habagat.
Sa huling pagtataya ng naturang tanggapan, ang bagyo ay nasa layong 1,235 km silangan ng hilagang Luzon at taglay ang hangin na 65km/h malapit sa gitna at may pagbugso na hanggang 80km/h.#