Ipinakilala na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang awardees ng Search for Dangal ng Lahing Cagayano 2024 sa naganap na Press Conference ngayong Martes, Hunyo 11, 2024 sa CPIO-TeleRadyo Studio, Capitol, Tuguegarao City.
Ang Search for Dangal ng Lahing Cagayano ay inisyatibo ni Governor Manuel Mamba at may adhikain na kumilala sa mga bukod-tanging Cagayano na may husay at galing. Ang prestihiyosong parangal na taunang isinasagawa kasabay ng pagdiriwang ng Aggao Nac Cagayan ay naglalayong ipagdiwang ang mga Cagayano na may kontribusyon sa lipunan sa iba’t ibang larangan.
Ito ay inilunsad noong taong 2017 at nasa likod nito ang Advocate at Proponent nito na si Atty. Mabel Villarica-Mamba, na siya ring Chairperson ng Aggao nac Cagayan Steering Committee 2024.
Ayon kay Atty. Villarica-Mamba, sa mga nagdaang taon marami na ang naging awardees ng Dangal ng Lahing Cagayano at patuloy na nagbibigay inspirasyon hindi lamang sa mga Cagayano, kun’di sa mga Pilipino.
“Our awardees are outstanding in their own right. To have achieved this lifetime achievement award, you must have done something good in your life. They are an inspiration and role models for the youth, for us, and the present generation of Cagayanos. Past awardees-they tell us their award even made them more diligent and hardworking. They became more inspiring. Nakakamangha ang kanilang galing, husay at karangalan,” aniya.
Tulad ng mga nakaraan, ang taunang pagkilala na ito ay may dalawang kategorya: Gintong Medalya at ang Natatanging Cagayano.
Ang napiling Gintong Medalya Awardees ngayong taon ay sina Dr. Leila P. Areola (Education), Atty. Leovillo D. Agustin (Law), Dr. Pastor C. Tumaliuan, Jr. (Government Service), PltCol, Jhonalyn Q. Tecbobolan (Peace and Order and Women Empowerment), Dr. Emmanuel Salvador L. Barias (Medicine), Dr. Alfredo A. Paguirigan (Medicine), Dr. Chita C. Ramos (Music, Arts, and Culture), Pmaj. Baby Rose P. Cajulao (Community Development), at Usec. Sanncho A. Mabborang (Government Service), at Dr. Rey E. De La Cruz (Arts and Culture).
Ang mga nakilalang Natatanging Cagayano ngayong taon ay sina Justice Ricardo De Rivera Rosario at Senator Sherwin Ting Gatchalian.
Nagdaan sa masusing pagpili ang awardees ng Dangal ng Lahing Cagayano 2024. Ang Gintong Medalya ay iginagawad sa mga indibidwal na may mahahalagang kontribusyon sa kani-kanilang larangan.
Ang Natatanging Cagayano ay bukod-tangi naman na pinipili dahil sa kilala na ang mga ito sa kanilang pangalan at sa kanilang mga nagawa sa kanilang propesyon at sa lipunan. Si Governor Mamba mismo ang pumipili sa kanila at sila naman ay ipriniprisenta sa mga hurado.
Nagsilbing hurado ngayong taon sina Mia C. Ventura, Mc Allen Reonel Sebastian S. Cacacho, Brother Joseph Samuel, Rev. Bishop Kenneth A. Cortez, Villamor Visaya, Jr., at Cecilia Claire N. Reyes.
Ayon kay Ventura na siyang tumayo bilang Chairman ng Board of Judges, isang karangalan ang maging hurado ng Dangal ng Lahing Cagayano Search. Kanyang kinilala ang ginawa ng ama ng lalawigan na si Gov. Mamba sa patuloy na pagkilala sa mga Cagayano na tunay ngang yaman ng lalawigan.
Samantala, paparangalan naman ang mga napiling Gintong Medalya awardee at Natatanging Cagayano awardees sa Hunyo 28, 2024 sa Coliseum, Cagayan Sports Complex, Tuguegararao City.#