TUGUEGARAO CITY-Nagpasiklaban sa pagsagot ng mga tanong ng mga kasapi ng media sa pulong pambalitaan sa SM Center Tuguegarao Downtown kanina, Agosto 8.

Naging aktibo sa pagsagot ang mga kandidata sa mga isyu ng pandemya, fake news, kalikasan, sexual harassment, mga kaugalian at mga nabali na mga batas o regulasyon, maagang pag-aasawa at pagbubuntis, isyu sa droga at iba pa.

Dahil karamihan ay tapos na sa kolehiyo habang ang iba ay nag-aaral pa,halos lahat ay mahusay nilang nasagot ang mga katanungan.

Masusi na pinili ng mga kasapi ng media ang tatanghaling ‘Darling of the Press’ na igagawad sa araw ng pre-pageant sa Agosto 12.

Inihayag ni Dr. James Guzman, pageant chairperson, mahirap at isang hamon pero inihabol nila ang pagsasagawa ng pagpipili sa Miss Tuguegarao dalawang taon na natengga ang patimpalak dahil sa COVID-19 pandemic. Tapos na rin daw ang photoshoot sa mga kandidata.   

Aniya, patuloy pa rin ang pagpapatupad ng minimum health protocols kahit bukas sa publiko ang pre-pageant sa isa pang pribadong mall at koronasyon sa Cagayan State University Amphitheater sa Agosto 15.#